Uling At ‘Gaas’ Tumaas Na Rin – Imee
Mariing kinondena ngayon ni Senator Imee Marcos ang Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng mga pangunahing bilihin pati na ang presyo uling at ‘gaas’ o kerosene.
Ayon kay Marcos, lumalabas na walang silbi ang DTI dahil sa hindi nila nababantayan ang pagtaas ng presyo ng uling at ‘gaas’ na siyang tanging kayang bilhin ng mga mahihirap sa mga depressed communities.
“Pati ba naman uling at gaas tumaas na rin? Hindi kayang bumili
ng mga kababayan nating mahihirap ng LPG kaya uling o gaas ang kanilang ginagamit sa panluto. Pero nasaan ang DTI?” tanong ni Marcos.
Sinabi ni Marcos na ang isang supot ngayon ng uling ay nagkakahalaga ng P15 mula sa dating presyo nitong P10.
Samantalang ang isang litro size ng bote ng soft drink ng ‘gaas’ ay nagkakahalaga ngayon ng P60 sa dating presyo nito na P55.
“Kaya nga nagtitiyaga sila sa uling at gaas dahil ito na lang ang kaya nilang bilhin. Ang P700 na tangke ng LPG ay napakamahal para sa mahihirap. Meron bang aksiyong ginagawa ang DTI sa problema ng mga kababayan nating mahihirap?” tanong ni Marcos.
Idinagdag pa ni Marcos na mapipilitang kahoy o anumang uri ng
panggatong ang malamang na gamitin ng mga mahihirap na pamilya sa kanilang pagluluto kung pati ang presyo ng uling at ‘gaas’ ay hindi na kakayaning bilhin.
“Mapipilitan tayong ipaimbestiga sa Senado ang DTI kung hindi pa sila kikilos at hindi aaksyunan ang walang habas na pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalu na pati yung ginagamit ng mahihirap na uling at gaas. Maawa naman sila, paano pa ipagdiriwang ng mga mahihirap ang darating na kapaskuhan?” galit na pagtatanong ni Marcos.