Sapat Na Pondo Sa Road Rehab Sa Mga Lalawigan, Titiyakin Ni Senador Imee Marcos

Itinutulak ni Senador Imee Marcos na mapondohan ng maayos ang konstruksyon, rehabilitasyon at maintenance ng mga kalsada sa mga lalawigan upang maisulong ang kanyang programa sa poverty reduction.
Sa Senate Bill 224 na inihain niya, sinusugan ng senador na maisabatas ang Conditional Matching Grant to Provinces o CMGP na programa ng Department of the Interior and Local Government o DILG para sa mga kalsada sa mga lalawigan.
Ayon sa senador, kapos ang Php10 milyong laang pondo ng national government sa mga kalsada sa bawat local government unit o LGU. Kalahati lang ito ng halaga ng repair ng isang kilometrong sementadong kalsada sa mga lalawigan.
Nabubulok lamang anya at naiwanang nakatiwangwang sa loob ng 20 taon ang local roads dahil sa kapos na pondo.
Mapapabilis ng tamang pagpondo ang serbisyo publiko at ang paghahatid ng mga produktong pangkalakalan at agrikultura, pati na rin ang paglaganap ng turismo.