‘Price Freeze’ Ipatupad Ngayon Kapaskuhan

By 0 Comment

Nanawagan ngayon si Senator Imee Marcos na sa halip na itaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin ngayong Setyembre, higit na makabubuti kung ipatutupad ang ‘price freeze’ hanggang sa buwan ng Disyembre.

Ayon kay Marcos, kailangang maghigpit ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga mapagsamantalang negosyante at itigil na muna ang planong pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin lalu na sa panahon ng Kapaskuhan.

“Stop na muna ang taas-presyo sa mga pangunahing bilihin kahit ngayon man lamang panahon ng Kapaskuhan. Hindi naman siguro makakaapekto ito sa higanteng tubo ng mga negosyante kumpara sa maliit na sahod na tinatanggap ng mga simpleng empleyado,” pahayag ni Marcos.

Sinabi ni Marcos na ang planong bagong Suggested Retail Price o SRP ngayong Kapaskuhan ay hindi makatuwiran at hindi makatao, at nagpapakita lamang na ang DTI ay higit na pinapaboran ang mga negosyante kumpara sa maliliit na mamimili.

Ayon kay Marcos, ang kawalan ng matibay na batayan ng mga negosyante para itaas ang halaga ng kanilang produkto ay sapat na dahilan para sa DTI na hindi payagan ang taas-presyo na nakaamba sa mga pangunahing bilihin ngayong Chirstmas season.

“Kung tutuusin, halos three months lang naman ang price freeze at napakalaking tulong ito sa lahat ng mga mahihirap nating mga kababayang mamimili. Sa tingin ko naman, makapaghihintay ang mga negosyante sa kanilang gagawin price increase.” paliwanag pa ni Marcos.

Bukod sa sardinas, kape, noodles, asukal, mantika, gatas, sabon, tinapay, soy sauce, suka, itlog at mantika, nilinaw din ni Marcos na ang ‘price freeze’ ay dapat ding maipatupad sa presyo ng bigas, isda, manok, baka at maging sa baboy.