Pagbigyan ang panawagan ng mga empleyado sa mga negosyante – Imee

By 0 Comment

Nanawagan ngayon si Senator Imee Marcos sa mga may-ari ng malalaking kumpanya na kahit na papaano ay magbigay ng Chirstmas bonus sa kanilang mga empleyado para higit na maipagdiwang nito ang araw ng Pasko.

Nilinaw ni Marcos na bagamat hindi itinatakda sa batas ang pagbibigay ng Christmas bonus, ang mga malalaking kumpanya o maunlad ang negosyo ay maaaring boluntaryo na magbigay ng Christmas bonus sa kanilang mga empleyado.

“Kung maganda naman ang takbo ng negosyo ng isang kumpanya, pwede naman kahit grocery pack o P2,000 o higit pa ang ibigay sa kanilang mga empleyado. Christmas naman ngayon at malaking bagay na yun sa kanilang mga empleyado,” paliwanag ni Marcos.

Sinabi pa ni Marcos na minsan lamang sa isang taon ang boluntaryong pagbibigay ng Christmas bonus, at hindi kalabisan kung ipagkakaloob ito ng isang employer sa kanyang mga manggagawa lalu na kung kumikita naman ang kanilang negosyo.

“Kung gagawin ito ng isang kapitalista, lalung mahihikayat ang kanilang mga empleyado na magtrabaho nang maayos at higit na magpakita ng katapatan sa kanilang pinapasukang trabaho,” dagdag pa ni Marcos.

Matatandaang ibinunyag din ni Marcos na sa kasalukuyan laganap pa rin sa bansa ang hindi pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyadong regular na nagtatrabaho sa kabila na malinaw itong ipinag-uutos ng batas.

“Kawawa talaga ang mga empleyado dahil maraming tiwaling kumpanya ang hindi sumusunod sa mga batas sa paggawa. Talamak pa rin ang hindi pagbibigya ng kanilang SSS, walang overtime pay, night differential, walang regularisasyon, hindi maayos na kondisyon ng pinapasukan, at iba pang anyo ng pang-aabuso at labor violation,” ayon pa kay Marcos.