Libreng Sakay Dapat Dagdagan Sa Rutang Cubao-Santolan Ng LRT-2

By 0 Comment

Umapela ngayon si Senator Imee R. Marcos sa pamunuan ng Department of Transportation, Philippine Coast Guard at Metro Manila Development Authority na magdeploy ng karagdagang libreng sakay sa rutang dinadaanan ng LRT-2, lalo na sa Anonas, Katipunan at Santolan kung saan sarado pa ang operasyon ng mga tren.

Nitong Martes lamang binuksan muli ang mga istasyon mula Recto hanggang Cubao. Ang buong operasyon ng LRT-2 ay itinigil mula noong Martes, October 3, nang may nasunog na power rectifier sa Katipunan station.

Ayon kay Marcos, chairperson ng Senate committee on Economic Affairs, malaki ang maitutulong ng libreng sakay ng mga ahensya ng gobyerno para hindi masayang ang oras ng mga manggagawa, mga estudyante at iba pang commuters ng LRT-2.

Bumibiyahe ang free bus rides sa mga apektadong pasahero sa pagitan ng Santolan hanggang Cubao stations mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.

Katwiran pa ni Marcos na sapol ng paghinto ng operasyon ng LRT-2 ang manhours na mawawala sa produksyon at performance ng mga empleyado sa gubyerno at private sector.

“Ang daan-daang empleyado ng pribadong sektor at government agencies ang apektado ng pagsasara ng Santalon hanggang Cubao stations. Kung aabutin pa ng siyam na buwan ang suspensyon ng operation nito, tiyak malaking perwisyo ito sa mga commuters lalu na sa mga estudyante at empleyado,” paliwanag ni Marcos.

Libu-libong estudyante rin ang umaasa sa LRT-2 na pumapasok sa UP, Ateneo, Miriam College sa Katipunan area kabilang na ang mga paaralang nasa kahabaan ng Santolan patungong Cubao.

Sa data ng LRTA, humigit kumulang sa 200-libong pasahero ang sumasakay sa mga tren ng line-2 araw-araw.

Hiniling din ni Sen. Marcos sa LRT administration na bumalangkas ng pangmatagalang contingency measures para di na maulit ang aberya at ang nakapalaking problemang idinudulot sa mga mananakay.

Kaugnay nito, inirekomenda rin ni Marcos na dapat buhayin ang Love Bus sa Metro Manila para makatulong sa mga pasahero.

Ang Love Bus ang kauna-unahang aircon bus sa Metro Manila na pinatatakbo ng gubyerno.

Sa Love Bus, hindi pinapayagan ang standing passengers at may sariling drop-off at pick-up points na bumibiyahe noon mula sa Escolta, Maynila patungo ng Philcoa, Cubao at Makati.