Juvenile justice system, ayusin muna — Gov Imee Marcos

Iginiit ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos na mas mabuting isaayos muna ang juvenile justice system sa bansa, kasunod ng pinagtatalunang pagpapababa sa edad ng ‘criminal responsibility’ sa Kongreso.
“Ang importante sa akin, buuin natin ‘yung juvenile justice system kasi bulok talaga ang sistema,” ayon kay Imee.
Noong nakaraang linggo, pinagtibay sa ikalawang pagbasa sa House Committee on Justice ang panukalang ibaba sa 12 years old, ang edad ng “criminal responsibility.” Inalis din sa panukala ang salitang “criminal” at pinalitan ng salitang “social” o “social responsibility.”
Ayon kay Imee, importanteng unahin ang pagsasaayos sa juvenile justice system. Kabilang dito ang pagpopondo at pagpapatayo ng mas maraming Bahay Pag-asa.
“Hindi lahat kaming nasa probinsya may Bahay Pag-asa, kasi mahal din. Kapag walang Bahay Pag-asa, magla-landing ang mga bata sa kulungan,” dagdag pa ni Imee.
Sinabi ni Imee na bigyan ng sapat na pasilidad, doktor, social worker at personnel ang bawat Bahay Pag-asa. Dapat din umanong mabigyan ng edukasyong teknikal at vocational ang mga bata upang maihanda ang kanilang sarili sa reintegration paglabas nila sa Bahay Pag-asa.
Iminungkahi din ni Imee ang pagkakaroon ng hiwalay na youth desks sa himpilan ng pulisya at special youth courts na mangangasiwa sa kaso ng “children in conflict with the laws”.
Nais din ni Imee na parusahan ng todo ang mga kriminal na gumagamit ng mga bata sa kanilang ilegal na aktibidad. “Dapat mas matindi ang habol sa mga sindikato at parusahan sila ng todo,” dagdag pa ni Imee.