Isang Sentimong Bayad Kada Text, Isinulong Ni Senador Marcos
Isinulong ni Senador Imee Marcos na mapako sa isang sentimo ang kada text message sa halip na piso.
Sa inihaing Senate Resolution number 6, hinikayat ni Marcos ang Department of Information and Communications Technology o DICT na agarang magpatupad ng istriktong price ceiling at tapyasan ang presyo ng kada text mula piso ay gawing isang sentimo.
Paliwanag ni Marcos, tama na gawing balanse ang interes ng mga telco provider ngunit dapat na nakasusunod sa global trend para sa mas mabilis subalit murang serbisyo publiko.
Bagamat inaasahang sa pagpasok ng ikatlong telecommunications provider sa bansa na Dito Telecommunity na mag-aalok ng mas murang serbisyo kumpara sa Globe at Smart, karapatan pa rin ng publiko na magkaroon ng mas mababang rate para sa text messages.
Ayon kay Marcos, hindi malulugi ang tatlong telco providers kahit pa ipatupad ito sa bansa dahil malaki pa rin ang kanilang kikitain.
Dismayado rin si Marcos na bagamat bilyon ang kinikita ng mga telco provider sa bansa mula sa text messaging ay nananatili namang mabagal ang nagagamit na internet speed ng mga Pinoy kumpara sa ibang mga bansa sa Southeast Asia.