Imee: Postponement Ng Barangay At Sk Elections Sigurado Na!
TINIYAK ni Senador Imee Marcos ang mabilis na ratipikasyon ng Senado at Kamara de Representantes sa panukalang postponement ng 2020 Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSK).
Ginawa ni Marcos ang pahayag matapos aprubahan ng Kamara ang House Bill No. 4933 na nagre-reset sa BSK polls sa May 2020 at itakda ito sa December 2022.
Nakasaad din sa bill na pagkatapos ng halalan sa May 2022, isasagawa ang BSK polls sa unang Lunes ng Disyembre kada tatlong taon.
Itinalaga ng Senate leadership si Marcos bilang chairperson ng bicam panel kasama sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senate Minority Leader Franklin Drilon, Sen. Bong Go, Sen. Bato dela Rosa at Sen. Bong Revilla.
Sinabi ni Marcos, makatitipid ang COMELEC ng P5.77 billion para sa 2020 BSK polls postponement na pwedeng ilaan sa ibang ahensya.
Ayon pa kay Marcos, chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, halos hindi na kailangan ang bicam dahil parehas lang ang inaprubahang bersyon ng Kamara sa Senado na ipinasa noong September.
“Nag-usap na kami ng chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na si Rep. Juliet Marie Ferrer ng Negros Occidental at usap-usapan wala naman kaming pagkakaiba mula sa Senate at sa House version, yung petsa pareho at saka yung nagkasundo naman na talagang magkaroon ng postponement. Very minor talaga. So, magkakaroon na lang ng pirmahan agad-agad. Bicam in effect, pero as much as formality na lamang dahil nagkasundo naman ang dalawang panels,” paliwanag ni Marcos.
Sinabi ni Marcos na target na matapos agad ang ratipikasyon ng BSK polls postponement para mapirmahan na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga susunod na araw.
“After that ipaparatify na natin, at sana pirmahan agad ni Presidente dahil kailangan na ng ating mga barangay at talagang nakatengga sila habang nakapending ang bill. I’m hopeful, that it will be soonest. Target ko na talagang tapusin na agad-agad,” dagdag pa ni Marcos.
Ito na ang ikatlong postponement ng barangay and SK polls sa ilalim ng administrasyong Duterte matapos nyang ipag-utos sa mga mambabatas na aksyunan ang bill sa kanyang 4th SONA nitong July 2019.
Ito ang kauna-unahang panukala ni Marcos na magiging ganap na batas sa ilalim ng 18th Congress.