Imee: Postponement Ng Barangay At Sk Elections, Ratipikado Na Ng Senado!

By 0 Comment

MANANATILI hanggang sa 2022 ang mga halal na Barangay at Sangguniang Kabataan chairmen matapos ratipikahan na ngayon ng Senado ang panukalang postponement ng 2020 syncrhonized elections.

Sinabi ni Marcos na ipapadala ang enrolled copy ng ratified version sa Palasyo para lagdaan ito ni Pang. Rodrigo Duterte bilang ganap na batas.

Itinakda ang BSK elections sa December 2022 at isasagawa ito sa unang Lunes ng Disyembre kada tatlong taon.

Ayon kay Marcos, chairperson ng Senate committee on Electoral Reforms and People’s Participation, makatitipid ang COMELEC ng P5.77 billion para postponement at pwedeng ire-align ito sa ibang ahensya na kailangan ng pondo.

Iminungkahi ni Marcos na ilaan ang nasabing pondo sa Salary Standardization Law 5 ng mga public school teacher para maibigay na ang kanilang dagdag na sahod.

Umaabot kasi sa 10 hanggang 11-bilyong piso pa ang kulang para matanggap ng mga guro ang kanilang inaasam na wage hike ngayong taon.

Ito na ang ikatlong postponement ng barangay and SK polls sa ilalim ng administrasyong Duterte matapos nyang ipag-utos sa mga mambabatas na aksyunan ang bill sa kanyang 4th SONA nitong July 2019.

Ito ang kauna-unahang panukala ni Marcos na magiging ganap na batas sa ilalim ng 18th Congress.