Imee: Pilipinas, ‘Wag Papiliin Sa Pagitan Ng U.S. At China

By 0 Comment

Hindi nagatubili si Senador Imee Marcos para linawin ang direksyong dapat na tahakin ng relasyong panlabas ng Pilipinas sa dalawang superpower sa mundo, partikular na ang Amerika at China, sa idinaos na roundtable forum sa Washington D.C.

“Huwag kaming papiliin sa pagitan ng U.S. at China,” ani Marcos sa karamihang mga Amerikanong dumalo sa Center for Strategic and International Studies(CSIS) kung saan kabahagi rin ang mga nangungunang think tank, mga embahada, kumpanya at unibersidad sa forum.

Nakilahok din ang U.S. Institute for Peace, US-ASEAN Business Council, Center for a New American Security, at Asia Foundation.

Binigyang diin ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, na ang Pilipinas at mga kapitbahay na mga bansa sa Southeast Asia ay nananawagan ng isang “rational approach” o mahinahon at makatwirang pamamaraan sa relasyon sa pagitan ng Washington at Beijing para maiwasan manumbalik sa “melodrama” ng Cold War.

Ang pahayag ni Marcos ay base sa Pitong-puntong Plano na inilatag niya sa forum at naiisip niyang para sa patakarang panlabas ng Pilipinas na pwedeng maisabatas sa hinaharap.

Pangunahin rito ay ang “muling suriin,” sa halip na rebisahin, ang Philippines-U.S. Mutual Defense Treaty at Visiting Forces Agreement at kung paano isasakatuparan ang dalawang kasunduan, gayundin ang pagsuri sa naipangakong paghahatid ng tulong ng Enhanced Defense Cooperation Agreement para sa kaunlaran.

Ang Plano ay nagsusumikap ding mapadagdagan ang tulong militar sa Pilipinas at suporta para sa mga lokal na kontratista sa depensa.

Sa pagbuo kamakailan ng mga multilateral na kasunduang pangdepensa gaya ng AUKUS(Australia, the United Kingdom, and the United Regions) at QUAD o Quadrilateral Security Dialogue(Australia, India, Japan, and the United Regions), inihihirit rin sa nasabing plano ang mas malalimang pag-aaral ng mga kahihinatnan ng mga ito para sa Pilipinas at umiiral na mga regional group.

Bukod sa mga usaping militar, ang blueprint ng patakarang panlabas ni Marcos ay naghahanap ng mga bagong oportunidad para sa pangingisda sa malalim na dagat at sa produksyon gayundin sa pag-export ng mga metal at semiconductor chip ng Pilipinas sa pamamagitan ng isang “Green Metals Initiative” at pakikipagtulungan sa ilalim ng CHIPS and Science Act of 2022 ng U.S.

Sinamantala na rin ni Marcos ang pagkakataon sa nasabing forum na pasalamatan ang USAID at ang US-Philippines Society para sa patuloy na pagtulong sa disaster relief at recovery, habang nag-aasam na mas ma-iangat o mapabuti pa ang mga proteksyong panlipunan at mga hakbang para sa kaligtasan ng publiko.

Hinikayat din niya ang propesyunal na pagpapalitan na gaya ng mga healthcare workers, mga guro at akademya, para sa mas mahusay na pagsasanay, pagpalit ng kaalaman, at potensyal na paglikha ng trabaho.

Pinagtibay naman ni Marcos ang alyansa sa pagitan ng Pilipinas at U.S, pero sinabi nitong hindi dapat hadlangan ang pakikipag-ugnayan ng bansa sa China na inaasahan sa plano na mapalawak pa sa pamamagitan ng mga hakbang para mabuo ang kumpyansa sa bawat-isa, magkasanib-pwersa sa pag-unlad, at pagsasapinal ng isang “code of conduct” sa South China Sea.

Ang mga pahayag ng senador ay pagsegunda lang sa naunang mga pahayag ng kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos noong kasagsagan ng pag-uusap nito kay U.S. President Joe Biden sa ika-77 United Nations General Assembly sa New York.

Ang aktibidad sa Washington D.C. ay inisponsoran ng US-Philippines Society, sa pangunguna ni founding director Henry Howard, at ng Stimson Center’s Southeast Asia Forum.