Imee: Nasaan Ang Comprehensive Master Plan Sa Water Crisis Ng Maynilad At Manila Water?

By 0 Comment

HUMIHINGI ngayon si Senator Imee R. Marcos ng komprehensibong master plan sa Maynilad at Manila Water para masolusyunan ang nararanasang water shortage sa Metro Manila at mga karatig probinsya.

Ginawa ni Marcos ang pahayag kasunod ng kabiguan ng dalawang water concessionaires na maglatag ng plano para naagapan ang krisis sa tubig na nagsimula nitong October 24.

Ayon kay Marcos, hindi dapat umaasa lang sa buhos ng ulan sa dam ang dalawang concessionaires dahil tiyak na mas malala pa ang mararanasang problema sa tubig kapag sumapit na ang tag-init sa taong 2020.

“Hindi pa naman summer bakit may water shortage na? Nasaan ang plano ng Maynilad at Manila Water sa nangyayaring water crisis?” tanong ni Marcos.

Sa ilalim ng concession agreement, binigyan ng MWSS ang Maynilad ng 37 taon para pangasiwaan, i-operate, i-repair, at i- refurbish ang lahat ng fixed and movable assets para sa water and sewerage services sa west area.

Ang Manila Water ay binigyan din ng MWSS ng exclusive rights sa east service area sa loob din ng 37 taong operasyon.

Giit ni Marcos, dapat nakapaloob sa masterplan ang pagtatayo ng dagdag na water reservoir na sasalo ng ulan na dala ng malalakas na bagyo sa bansa.

“Sa haba ng panahon na ipinagkaloob ng MWSS sa dalawang water companies, dapat mag-isip-isip naman sila ng paraan para hindi napepeste at napupwerhisyo ang ating mga kababayan, lalo na sa mga ospital na kailangan ng sapat na suplay ng tubig.” Giit pa ni Marcos.

Tinatayang may 15-milyong kustomer ng Maynilad at Manila Water ang apektado ngayon ng water shortage sa lungsod ng Mandaluyong, Maynila, Marikina, Navotas, Muntinlupa, Malabon, Makati, Las Piñas, Caloocan, Valenzuela, Parañaque, Pasay city at Quezon City, Rizal, Cavite at ilang bayan sa Bulacan.

Inaasahang ipapatawag ni Marcos sa Senado ang mga may-ari ng Maynilad at Manila Water upang imbestigahan ang nangyayaring water crisis.