Imee Marcos, nagbigay ng tulong sa mga kababayang Waray-Waray sa Marikina

By 0 Comment

Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na ang ina ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos, ang dating First Lady Imelda Romualdez Marcos, ay taga Tacloban City at isang tunay na Waray kaya’t ganoon na lamang kalapit ang kanyang loob sa mga taga Malanday, Marikina kung saan maraming Waray ang nakatira.

Isa ang Barangay Malanday sa lubhang nasalanta ng bagyong Karding at Southwest Monsoon o Habagat, at hindi nag-aksaya ng panahon ang gobernadora na mamigay ng relief sa mga nasalanta ng bagyo kasama sina Marikina Mayor Marcy Teodoro at ilang opisyales ng lungsod.

Ayon sa gobernadora, tinatanaw niyang “pambayad-utang” ang ginagawa niyang relief distribution alang-alang sa mga mamamayan ng Ilocos Norte bilang “sukli” sa tulong na ibinigay din sa kanila ng mga taga Metro Manila noong panahong ang probinsya naman nila ang nangailangan.

“Marami din kaming naka-stock na relief goods dahilan sa dalawang bagyo ang lumipas na hindi kami naapektuhan, kaya’t nag desisyon kaming ipamigay ang nakaimpok na pagkain para sa mga agad na mas nangangailangan,” aniya.

“Ang taong bayan ng Marikina talagang nagkakaisa, kapit bisig laban sa baha at bagyo. Kaya congratulations po, kahit papaano high tech na high tech kayo sa inyong warnings at alerts, kompletos rekados, wala akong masabi.

Kaya nga lang lahat ng tao kailangan ng tulong pa rin, laging kapos, laging kulang. Kaya’t kahit anong konting maitutulong, nandito pa rin kami,” dagdag pa ng gobernadora.

Bakas ang kasiyahan sa mukha ni Governor Marcos habang kahalubilo ang mga taga Malanday. Nagkaroon pa sila ng maliit na programa kung saan nakisayaw pa ang gobernadora at nagkaroon ng papremyo sa pinakamagaling sa pagsayaw sa tugtuging Bboom Bboom ng Momoland na sikat ba sikat dito sa bansa.