Imee: Kinalampag Ang Nha Sa Natenggang Yolanda Housing Projects
KINAKALAMPAG ngayon ni Senator Imee R. Marcos ang usad-pagong na pagtatayo ng National Housing Authority(NHA) ng mga pabahay sa libu-libong survivors ng super typhoon Yolanda noong Nov. 8, 2013.
Ayon kay Marcos, Vice-Chairperson ng Urban Planning, Housing and Resettlement, halos wala pa sa 50 porsyento ang isinasagawang rehabilitasyon sa Tacloban City, Leyte at Eastern Visayas sa nakalipas na anim na taon.
Base sa nakalap na NHA 2018 report ni Marcos, sa kabuuang 91,366 targeted housing units na ipamimigay sa mga pamilyang apektado ng bagyong Yolanda, umaabot pa lang sa 38,597 ang naitatayo.
Sa ika-anim na taong paggunita ng Yolanda, isinusulong ni Marcos ang Senate Bill no. 1125 o ang panukalang National Resiliency and Disaster Management Authority Act of 2019 para sa mabilis na pagbangon ng mga survivor ng pinakamalupit na bagyo sa kasaysayan ng Pilipinas.
“After six years, hindi pa tayo nakakabangon. Have you been to Tacloban lately? They keep saying nakabangon na. Wala pa ring mga permanenteng bahay ‘yong nasa resettlement areas, at saka yung mga mangingisda na walang hanapbuhay, everybody is in danger zone,” diin ni Marcos.
Ayon kay Marcos, ang nasabing ahensya ay tututok sa ibat-ibang phases ng kalamidad, tulad ng prevention and mitigation, preparedness, response, rehabilitation at recovery program sa ilalim ng isang master plan.
“Enforcement talaga ang kailangan at saka dapat headed by the President ang nasabing disaster agency. Kasi mas magiging malala yan sa mga susunod na taon, kung puro coordinate, coordinate, walang nangyayari. Nagkaletse-letse na nga si Sen. Ping Lacson dyan,” dagdag ni Marcos.
Nagtataka si Marcos kung bakit napakabagal ng pag-usad ng rehabilitasyon sa Tacloban at Eastern Visayas na nakapagtala ng mahigit 6,000 nasawi at 1.6 milyong residente ang nawalan ng mga bahay dahil sa nasabing super typhoon.
“Dapat kumilos na tayo. Dapat after six years na, matauhan naman. Ang bagal naman nating kumilos. Hindi na tayo natauhan. Anyare na sa mga Yolanda survivor?” iritang pahayag ni Marcos.
Nauna rito, nabalot ng katiwalian ang pagtatayo at pamamahagi ng mga bahay at emergency shelter assistance funds sa mga Yolanda survivor na kinasangkutan ng 12 NHA officials.
Sinampahan na ang mga nasabing opisyal ng NHA ng kasong kriminal at administratibo dahil sa mga anomaly sa Yolanda Permanent Housing Program (YPHP).
Kaugnay nito, nagpaabot naman ng pakikiramay si Marcos sa mga nasawi ng malakas na lindol sa ilang lalawigan sa Mindanao, kabilang na ang Davao at North Cotabato na niyanig noong Oktubre 16 at 29.
“Nakikiramay tayo sa pamilya ng mga nasawi sa lindol. Mag-alay po tayo ng dasal para sa kanila,” pahayag pa ni Marcos.