Imee: Huwag Munang Ilibing Ang Mga Bulaklak Sa Undas
Lubhang naapektuhan ang kita ng mga maliliit na negosyante ng bulaklak sa Dangwa flowers market sa Maynila at sa Baguio city ngayong paggunita ng Undas.
Sinabi ni Senadora Imee R. Marcos na wala nang kinikita ang mga negosyante ay nabubulok pa ang mga bulaklak na ibinabagsak sa kanila mula sa Baguio City at maging sa Cebu.
Ngunit panukala ng senadora na huwag munang ilibing ang mga truck-truck ng di mabentang mga bulaklak at maari naman itong pagkakitaan pa para sa panibagong negosyo.
“ImeeSolusyon natin diyan ay gamitin sa paggawa ng essential oils o kaya patuyuin para gawing potpourri o gawing sangkap sa binebentang kandila at sabon,” sinabi ni Marcos.
Makakatulong dito ang Department of Science and Technology sa paggawa ng mga nasabing produkto at ang Department of Trade and Industry sa pagpapautang sa negosyo sa ilalim ng Small Business Corporation o SBC, ani senadora.
“Sa pamamagitan nito, maka-ahon sa epekto ng pandemya at pagsasara ng mga sementeryo ang ating mga nagtatanim at nagbebenta ng mga bulaklak,” dagdag ni Marcos.
Nakarating kay Marcos ang reklamo ng mga tindero at tindera ng bulaklak sa malaking pagkalugi nila ngayong Undas dahil pinagbawalan ng Inter-Agency Task Force o IATF ang pagbisita sa mga sementeryo para maiwasan ang impeksyon o hawaan ng virus sa mga tao.
“Apektado talaga ang mga negosyante ng bulaklak sa pagsasara ng mga sementeryo dahil walang bibili ng kanilang paninda. Nagbabayad pa sila ng trucking at pwesto nila,” pahayag ni Marcos
Nalugi rin umano ang mga negosyante ng bulaklak sa loob ng walong buwan na pag-iral ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Sa monitoring ng opisina ni Marcos, bagsak-presyo na ang mga bulaklak ngayon sa Dangwa kung ikukumpara noong 2019 na walang pandemya.
“Halos ipamigay na nga ng mga tindera ang mga bulaklak sa Dangwa at sa Baguio dahil walang bumibili ngayong undas. Yung iba naman, magtitirik na lang kandila sa kanilang mga bahay sa halip na gumastos pa sa bulaklak,” ani Marcos
Narito ang presyo ng mga bulaklak ngayong panahon ng undas sa Dangwa.
*Sunflower – P15 per stem mula sa dati ang presyo P180
*Malaysian mums – P20 per bundle mula sa dating P130
*Chrysanthemum – P30 per bundle mula sa dating P180
*Rados – P30 per bundle mula sa dating P180
*Green buttons – P40 to 50 per bundle mula sa dating P200
*Red/White roses – P100 per dozen mula sa dating P500
*Orchids – P300-P350 per bundle mula sa dating P700
*Bouquet – P300-P400 mula sa dating P800 to P1,200
Umaasa si Marcos na makababawi rin ng kita ang mga maliliit na negosyante ng bulaklak sa pagbubukas ng mga sementeryo sa November 4 dahil sa inaasahang pagbisita ng mga tao sa puntod ng mga mahal nila sa buhay.