Imee: Eastern European Countries, ‘Nililigawan’ Ng Ilang Senador Para Magdagdag Ng Negosyo Sa Pilipinas

By 0 Comment

‘NILILIGAWAN’ ng ilang Senador ang mga mauunlad na bansa sa bahagi ng Eastern Europe para magdagdag ng negosyo at magpalakas pa ng ugnayang diplomatiko at people-to-people exchanges.

Sa kanyang pagdalo sa 141st Inter-Parliamentary Union Assembly sa Belgrade nitong nakaraang Linggo, binigyang-diin ni Senator Imee R. Marcos na malaki ang potensyal na magdagdag pa ng negosyo o puhunan sa Pilipinas ang mga bansang nasasakupan ng Eastern Europe.

“Dapat tutukan din ng gubyernong Duterte ang pagpapa-igting ng diplomatic relations, people-to-people exchanges, tourism, education, finance and trade engagement sa Eastern European countries dahil sa potential na ganansya ng Pilipinas, bukod sa posibleng trabaho para sa mga Pilipinong skilled workers,” diin ni Marcos.

Nagbibigay din ito ng oportunidad para sa Pilipinas upang mag-export ng ating mga produkto sa mga bansang nabibilang sa Eastern Europe.

Kasama sa Eastern European countries na kaibigan ng Pilipinas ay ang Hungary, Moldova, Belarus, Russian Federation, Romania, Poland, Montenegro, Serbia, Albania at Bosnia.

Magugunitang nagalit si Pangulong Rodrigo Duterte sa Iceland at higit 20 pang bansa sa Western at Eastern Europe na lumagda sa isang draft resolution na bumabanat at humihirit na imbestigahan siya ng International Criminal Court dahil sa kontrobersyal na war on drugs.

Kabilang ang Bulgaria, Czech Republic, Slovakia, Croatia at Ukraine sa mga bansa sa Eastern Europe na pumirma sa nasabing resolusyon.

Bukod kay Marcos, kasama rin sa dumalo sa IPU Assembly sina Senate President Tito Sotto III, Senate President Protempore Ralph Recto, Senate Majority Leader Migz Zubiri, Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senador Panfilo “Ping” Lacson, Senador Nancy Binay, Senador Joel Villanueva, Senador Juan Edgardo Angara, Senador Sherwin Gatchalian, Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.