Imee: Dti ‘Killjoy’ Sa Pasko Ng Mga Pinoy

By 0 Comment

SINITA ngayon ni Senator Imee Marcos ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pagpapahintulot nito sa ilang manufacturer sa bansa na magtaas ng presyo ng “Noche Buena products” habang papalapit ang araw ng Pasko.

Ginawa ni Marcos ang pagbatikos sa DTI kasunod nang ginawang pag-apruba ni Trade Secretary Ramon Lopez sa listahan ng mga produkto na pasok sa adjusted Suggested Retail Price (SRP).

“Sa inilabas na listahan ng DTI, lumalabas na P3 hanggang P20 ang itinaas sa presyo ng ham. Pero sabi ni Sec. Lopez, maliit lang daw ang increase. Killjoy naman itong si Secretary. Lalong hindi na makatitikim ng ham ang mahihirap na Pinoy sa kanilang noche Buena kung ganito na kamahal ang presyo,” naiiritang sabi ni Marcos.

Sa price guide ng DTI, narito ang presyo ng mga ham:
· 500g King Sue Hawaiian ham – (SRP) P140 mula sa dating P137
· 500g CDO American ham – (SRP) P155 mula sa P145
· 500g Purefoods Brick Ham – (SRP) P160 mula sa P149
· 500g Virginia Brick Ham – (SRP) P189 mula sa P169

Samantala, ang presyo naman ng fruit cocktail ay higit P1 hanggang P1.65 ang itinaas sa SRP list.

· 432g Seasons tropical fruit cocktail – (SRP) P50.35 mula sa dating P49
· 432g Today’s mixed fruits – (SRP) P51.20 mula sa P49.75
· 432g Del Monte Fiesta – (SRP) P56.45 mula sa P55.00
· 432g Dole tropical fruit cocktail – (SRP) P55.15 mula sa P53.50

Sa keso, ang SRP ng 165g na Eden filled cheese ay P49.50 mula sa P48.50, habang ang 180-gram Danes classic cheese ay P48.

Tumaas din ang presyo ng spaghetti noodles.
· 400g Amigo Segurado spaghetti – (SRP) P34 mula sa dating P30
· 400g Del Monte spaghetti – (SRP) P52.25 mula sa P49.10

Giit ni Marcos, dapat ipagpaliban muna ng DTI ang implementasyon ng SRP list para makapag-enjoy at makapaghanda naman ng masasarap na pagkain sa Noche Buena ang mga Pinoy.