Imee Binuhay Ang Kadiwa Store Sa Maynila, QC At Kalookan City
MATAPOS ang higit tatlong dekada, binuhay ni Sen. Imee Marcos ang Kadiwa rolling stores.
Ang Kadiwa stores ay nagbebenta ng mas murang presyo ng mga pangunahing bilihin, gaya ng bigas, noodles, asukal, gatas at iba pa.
Nitong Sabado, pinangunahan ni Marcos at Quezon City Mayor Joy Belmonte ang launching ng Kadiwa rolling stores sa covered court sa Barangay Batasan, Quezon City na layong mailapit sa mga residente ang mas murang mga produkto sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Marcos, ang Kadiwa stores ay proyekto ng kanyang ina at yumaong ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos na takbuhan ng mga mahihirap na Pinoy dahil sa bagsak presyong mga bilihin dito.
Sinabi ni Marcos na may ugnayan na rin sila ni Agriculture Sec William Dar para maisama sa Kadiwa rolling stores ang mga produkto ng mga lokal na magsasaka galing ng Ilocos region at iba pang mga rehiyon.
Sa ngayon, ayon kay Marcos, limitado pa sa ilang grocery products ang itinitinda sa Kadiwa rolling stores. Gayuman, umaasa si Marcos na sa mga susunod na araw ang lahat ng pangunahing bilihin ay mabibili na rin dito.
Ngayong araw, bubuksan naman ni Marcos at ni Manila Mayor Isko Moreno sa Smokey Mountain ang Kadiwa rolling store.
Ayon kay Marcos, magbebenta na rin ang Kadiwa stores ng nutriban, ang pamosong tinapay ng mga mag-aaral noong dekada 70s at 80s.
Sinabi ni Marcos na malaki ang naitulong ng nutriban para mabawasan ang kaso ng malnutrisyon sa bansa noong panahon ng kanyang ama.
Naniniwala si Marcos na malaki ang maitutulong ng muling pagbuhay sa mga Kadiwa stores para maibenta sa publiko ang bigas na galing sa ani ng mga magsasaka.
Kahapon ay pinasinayaan din ang pagbubukas ng Kadiwa store sa Kalookan City na dinaluhan naman ni Mayor Oscar Malapitan.