Gov. Imee Marcos, umaasa ng ligtas at mapayapang Undas

By 0 Comment

Nakikiisa si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa tradisyunal na pag-alaala ng sambayanang Pilipino sa mga namayapang mahal sa buhay.

Sa isang pahayag, sinabi ni Gov. Marcos na dapat sabayan ng kaukulang pag-iingat ang taunang pagdagsa ng publiko sa mga sementeryo.

“Isa ang Undas sa mga tradisyon na pinahahalagahan ng mga Pilipino maliban sa Pasko at Mahal na Araw. Pero mas makabubuti kung isaisip ng lahat ang mga kinakailangang pag-iingat at seguridad,” sabi ng gobernadora.

Binanggit ni Gov. Imee na importanteng tandaan ang ‘tips’ ng mga otoridad para sa mga bibiyahe sa malayong lugar at iiwang walang bantay ang kanilang bahay.

“Magandang sundin ang mga bilin ng Phil. National Police sa mga bibiyahe ng malayo at matagal na iiwanang walang tao ang bahay para makaiwas mabiktima ng masasamang loob”, ayon kay Ms. Imee. “Maging alerto lamang at seguraduhing ligtas kayo at ang inyung mga ari-arian.”

Ginugunita ng mga Pilipino ang kanlang namayapang mahal sa buhay sa pagpunta sa sementeryo, paglilinis at pagpintura sa puntod, paglalagay ng bulaklak at kandila at pag-aalay ng panalangin para sa kaluluwa ng namatay. Nagiging mistula ding family reunion ang okasyon kung saan nagkukumustahan ang magkakamag-anak at nagsasalo-salo.