Dami ng pinalikas ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa mas ligtas na lugar umabot na sa 4,000

By 0 Comment

Patuloy ang pagpapalikas ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa mga residente na nasa mga lugar na daraanan ng bagyo sa probinsya.

Ayon sa gobernadora, aabot sa 4,000 katao o mahigit 500 pamilya ang tumutuloy na sa evacuation centers sa Ilocos Norte dahil sa malakas na ulan at hangin dulot ng Bagyong Ompong.

Ang problema, sabi ni Gov. Marcos, marami sa mga residente sa iba’t ibang bayan sa probinsya ang ayaw iwan ang kanilang mga bahay at gamit kaya pahirapan ang preemptive evacuation.

Pakiusap ng gobernadora, “mag-ingat po ang lahat lalo na yung mga nasa coastal site. Alam kong mahal natin ang ating mga gamit at bahay, pero please kailangan unahin natin ang kaligtasan ng ating sarili”.

Isinailalim ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration o PAGASA ang Ilocos Norte sa signal no. 4 sa gitna ng nararanasan doon na malakas na hangin at ulan partikular sa Pagudpud, Batac, Pasaguin at Dingras.

Tiniyak ng gobernadora na walang problema sa pagkain ang mga evacuee dahil maagang ibinigay ang ‘prepositioned relief goods’ sa Local Government Units para madaling makuha ng mga residente.

Ipinatupad na rin ng gobernadora ang ‘liquor’ ban sa buong lalawigan sa paniniwalang kadalasan itong pinagsisimulan ng komosyon sa halip na pagtutulungan o bayanihan.

Ayon sa gobernadora, marami na rin pulis ang nag-iikot sa probinsya para matiyak ang kaligtasan ng mga residente at tumulong sa rescue operation kung kailangan.

Naka-monitor rin si Gov. Marcos sa kalagayan ng panahon sa probinsya gayundin ang mga rescue team at Prov’l. Disaster Risk Reduction Management council para sa pagresponde sakaling tumindi ang bagyo.
Tiwala si Gov. Marcos na, “Sa pagtutulungan at pagkakaisa, malalagpasan ng lalawigan ang banta ng bagyong Ompong”.