Budget Ng Ospital Ng Mga Beteranong Sundalo Tinapyasan!
NAGTATAKA si Sen. Imee Marcos nang tapyasan ng 11 percent ang budget ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa susunod na taon.
Kinuwestyon ni Marcos ang pagbawas ng higit sa P211 milyon sa inilalaang budget sa 2020 ng VMMC.
Mula sa P1,866,436,000 budget ng VMMC ngayong 2019, nasa P1,654,818,000 na lamang ang budget na inilalaan para sa nasabing ospital sa ilalim ng panukalang 2020 General Appropriations Act.
Ayon kay Marcos, nalulungkot siya dahil maraming beterano ang maaapektuhan ng budget cut para sa pambili ng mga medical supply, gaya ng dextrose, mga gamot at iba pang kagamitan.
“Nagtataka ako kung bakit nabawasan ang VMMC ng 11 percent o P211,618 milyon. Alam naman natin na padami nang padami ang pasyente na tumatandang mga sundalo, bakit babawasan? So, sana dagdagan naman yun, kasi kailangan na kailangan natin na mas maayos naman yung ating mga hospital, lalo para sa mga sundalo. May sakit na nga pagkakaperahan pa!” pahayag ni Marcos.
Sa projection sa 2020, sinabi ni Dr. Dominador Chiong Jr., Program Director ng Veterans Hospitalization and Medical Care, inaasahang dadami pa ang mga pasyente pero kulang na kulang ang pondo nila.
Ayon kay Chiong, aabot P1.13 bilyon ang nakalaan para sa treatment ng 10,000 in-patient care sa susunod na taon, mas mataas ng 1,500 pasyente ngayong taon.
Samantala, humihirit ang VMMC ng P386 milyon pondo para pambili ng gamot ng mga beteranong sundalo sa susunod na taon.