18 Oras Na Walang Tubig Sa 15 Milyong Customers: Maynilad At Manila Water Dapat Managot – Imee

By 0 Comment

HUMIRIT ngayon si Senator Imee Marcos na mapanagot ang mga may-ari ng Maynilad at Manila Water sa sunod-sunod na mararanasang krisis sa tubig ng halos 15-milyong consumer sa Metro Manila at karating lalawigan.

Ginawa ni Marcos ang panawagan sa abiso ng Maynilad at Manila Water companies na magpapatupad sila ng araw-araw na rotational service interruptions sa mga konsyumer simula ngayong araw (Oktubre 24).

Giit ni Marcos na dapat pinaghandaan ng dalawang water concessionaires ang nasabing krisis dahil sapol nito ang mga mahihirap na konsyumer.

“Kawawa naman ang mga mahihirap na pamilya at ang mga maliliit na negosyo, gaya ng karinderya, car wash at laundry shops na gumagamit ng tubig sa araw-araw,” pahayag ni Marcos.

Sinabi ni Marcos na ito na ang pangalawang pagkakataon na mararanasan ang krisis sa tubig sa Metro Manila at karatig probinsya na tumama nitong nakaraang panahon ng tag-init.

“Di ba nasabon at binalaan na sila ni Pangulong Duterte na ite-terminate ang concession agreements noong Marso dahil sa kapalpakan nila, pero ngayon wala pa rin silang solusyon sa problema sa tubig. Alam naman nila na may kakulangan sa suplay nito. Bakit ang mga tao ang babalikat ng sakripisyo?” galit na pahayag ni Marcos.

Idinagdag pa ni Marcos na pwedeng silipin ng Senado ang concession agreements ng dalawang water companies na binigyan ng exclusive rights ng pamahalaan na i-operate at i-maintain ang water utilities sa loob ng ilang taon.

Nakalatag sa nasabing kasunduan ang mga panuntunan para makapag-operate ang Manila Water at Maynilad at makarekober ng kanilang investment.

Apektado ng water crisis ang may 15-milyong kustomer ng Maynilad at Manila Water sa mga lungsod ng Mandaluyong, Maynila, Marikina, Navotas, Muntinlupa, Malabon, Makati, Las Piñas, Caloocan, Valenzuela, Parañaque, Pasay, Quezon City. Kabilang din ang mga lalawigan ng Rizal, Cavite at Meycauayan Bulacan.

Sa anunsyo ng Maynilad, magpapatupad sila ng 18 oras na rotational service interruptions araw-araw simula sa Oct. 24 dahil sa patuloy na pagbaba ng water level sa Angat at Ipo dams bunga ng kawalan ng ulan.

Inihayag ng Manila Water na hindi pa rin tumataas ang kasalukuyang water allocation sa kanila ng National Water Resources Board(NWRB) na 40 cubic meters per second (cms) mula sa normal na 48cms.

Sa report ng PAGASA, nasa 187.53 meters ang water level ng Angat Dam, bahagyang mataas sa 180 meters normal level.

Ang Ipo Dam naman ay nasa mababang lebel na 100.76 meters mula sa 101-meter maintaining level.